Category Archives: Kuwento

The rise of Super Mokong: Ang batang mokong

The rise of Super Mokong: Ang batang mokong

Gapiin ang kaaway. ‘Yan daw ang pangarap ng soon to rise super mokong.

Sunod-sunod ang masasamang balita, hindi lang sa Pilipinas, ngunit maging sa ibang panig ng mundo. Kung iisa-sahin nga ay malaking kita ang ipapanhik sa mga malalaking production ng series sa mundo ng telebisyon at pelikula.

Sigurado ngang ang mga pangyayari sa mga sikat na bansa ay manganganak nanaman ng mga kuwento ng heroes at martir. Ang matindi ay pagkakakitaan nanaman ito ng hollywood .

Habang nag-iisip si Mokong ng diskarte kung paano siya makakatulong sa mga nabiktima ng mga halimaw ay magbabalik-tanaw ang kuwento sa pagkabata ni Mokong.

Heroes aren’t born, they are made at gayundin ang mga villains. Marami ngang pagkakatulad ang pagkabata ni Mokong sa mga pinagdaanan ng mga fictional na superheroes.  Ipinanganak sa isang lipunang binubuo ng mga heroes at villains. Nakatira sa isang simple at komplikadong komunidad na may mga komplikadong tao.  Unti-unti ang pagdiskubre sa kaniyang mga powers.

Bata pa nuon si Mokong nang masalubong niya ang isa sa mga matitinding villains.

Hindi mawari ni Mokong kung bakit kakaiba siya sa mga bata nuon. Pinalaki siyang mala-Harry Potter na hindi pwedeng makipaglaro sa labas.  Ikinukulong sa bahay at palaging kinakatulong sa gawaing bahay ng kaniyang lola.

Madalas ay nakadungaw sa malaking bintana sa 2nd floor ng lumang bahay si Mokong. Tanaw ang mga batang naglalaro sa kalye sa labas. Ang bahay nila ay isa sa mangilan-ngilan na lang na lumang bahay sa gitna ng siyudad.

Dahil dito ay napagbihasaan ni Mokong ang kaniyang unang power, ang imahinasyon. Dinadala si Mokong ng powers niyang ito sa labas nang hindi napupuna ng kaniyang lola.  Nakukuha pa nga niyang maglakbay sa pamamagitan ng paglipad ng hindi nadi-detect ng immigration. Nakakapasok siya sa mga banyo ng kapitbahay ng hindi napupuna ng sinumang naliligong kaniyang nais mabosohan.

Ngunit dahil din dito ay ma-a-attract niya ang isa sa mga masasagupa niyang kalaban.

Inutusang mag-florwax nuon ng kahoy na sahig si Mokong ng kaniyang lola.  Napapakintab niya itong madalas.  Hindi niya ito ikinaasar o ikinapapagod.  Ang gawi niya kasi ay gamitin ang kaniyang secret weapon. Ang kaniyang hindi maintindihan kung kotse o spaceship na sasakyan. At gawing laro ang pag-pu-florwax.

Jpeg

Naimbento ni Mokong ang spaceship o sasakyan na ito mula sa upuang kahoy na may kataasan at kabigatan. Dito ata inspired yung mga monoblock na walang sandalan. Ewan kung tama, ang tawag ata sa ingles rito ay stool.

Ihihiga niya ang upuan sa ibabaw ng malapad na basahang mula sa mga sirang lumang T-Shirt. Nandiyang itulak niya ito nang pabalikbalik na parang kariton, habang naglalakbay sa malayong lugar ang imahinasyon.

Sa biyahe nga niyang ito ay narating niya ang northpole.  Para kasing sleigh ang kaniyang spaceship kaya akma ito sa nagyeyelong ilog sa lugar na ito.  Sumakay siya dito at nagpaikot-ikot.  Tahimik at magaan sa pakiramdam. Dito rin niya natutunang kumanta. Habang nagpapadulas sakay sa kaniyang spaceship sinasabayan niya ng pagkanta ng jingle bells nang  paroot-parito rin sa chorus dahil yun lang ang kaniyang kabisado at kahit hindi pa pasko.

Hindi namalayan ni Mokong ang pagtawag ng kaniyang lola sa ibaba. Pasigaw. Highblood agad. ‘Yun para bang hindi pa man ay high pitch agad dahil alam na ng matanda na hindi siya agad pakikinggan ng apong si Mokong.

Ilang ulit pa siya nitong tinawag, kaya naman pumanhik na ito upang sugurin si Mokong.

Natigilan si Mokong sa pag-jingle bells nang maulinigan niya ang isang malakas na sigaw mula sa itaas ng nagyeyelong bundok. Dinig ito dahil tahimik ang kapaligiran.  Papalakas ang sigaw.  Sa sobrang lakas ay hindi niya ito maintindihan. Sa sobrang lakas ay nayayanig ang paligid, nabibitak ang yelo sa kaniyang paanan.

Samantala ang Lola ni Mokong na sa taba ay parang sumo wrestler, dahil sa hilig nito sa pagkain, ay nakatayo sa di kalayuan sa kinalalagyan niya. Nakuha nito ang pansin nang natigalgal na si Mokong.  Ngunit hindi ito ang may ari ng papalakas na tinig. Sigurado siya.

JpegKitang kita niya ang Lola sa kaliwang bahagi ng nagyeyelong ilog. Nag-aapoy ito sa galit sa kaniya habang sa taas ng bundok ay may nilalang na papalapit, ang may-ari ng sigaw.

Lalapit na nuon ang kaniyang Lola sa kaniya at alam niyang pipingutin siya nito.  Gusto niya itong pigilin hindi dahil sa akmang pamimingot nito, ngunit dahil sa nararamdamang takot sa paparating na nilalang na sumisigaw mula sa bundok. Gusto niyang iligtas ang matanda mula sa nararamdaman niyang panganib na dala ng nilalang mula sa nagyeyelong bundok.

Agad niyang itinulak ang kaniyang spaceship papunta sa matanda.  Ipinuwesto niya ito sa likod ng matanda, at mabilis na itinulak na ikinasadalak ng lola paupo rito. Lalo itong ikinagalit ng nagulat na matanda.  Akala niya ay pinagti-tripan siya ni Mokong, kawalang galang sa kaniya na siyang nag-aruga at kumopkop rito.

Mabilis itong itinulak papalayo ng batang si Mokong upang maiwasan ang nakakatakot na nilalang na paparating. Agad silang nakabalik sa kanilang bahay na parang gumamit ng time machine.

Ngunit mas mabilis ang nilalang sa kaniya.  Wala pa siyang power na speed. Kaya naman ilang iglap lang ay nasa harapan na nila ito at nakaharang, sumama sa kanilang bahay ang nilalang.

Bumalikwas sa pagkaksadlak sa maliit na spaceship ang lola ni Mokong na ngayon ay nagbalik na sa dating anyo kasama ng lahat. Hinarap siya nito. Kitang kita ang galit sa nanlilisik nitong mga mata. Bastos kang bata ka, walang modo, walang galang! Ang mga sumunod na nasabi nito ngunit ang ipinagtataka niya ay hindi nito nakikita ang nilalang na humarang sa kanila at nasa likod lang nito.

Kitang kita ni Mokong ang maitim na nilalang na nababalot ng puti at gulagulanit na coat na may hood.  Mabilis ito kumilos at sumapi sa kaniyang lola.  Nagbitiw ng malakas na tinig ang matanda, nakakabingi at hindi maintindihan.  Napatakip na lamang ng tenga ang batang si Mokong at nasadlak sa pinakikintab na sahig.  Kaya naman hindi na siya nakaiwas nang dakmain siya nito.

Gapiin ang kaaway. Nakilala na ni Mokong ang unang villain sa buhay niya bilang batang Mokong. Kakayanin kaya niya ang may-ari ng nakabibinging tinig? Paano niya ito gagapiin kung sa minamahal niyang lola ito sumapi? Abangan ang kasunod…

Advertisements

The Rise of Super Mokong

The Rise of Super Mokong

From among the mokongs of the world, he will rise…

 

SM copy“Basta para sa amin mabuti kang tao…” isang pangungusap mula sa isang kaibigan na agad dumurog sa lahat ng masasakit na paninirang naririnig niya mula sa matatabil ang dila. Silang mga Lolit Solis sa mundo na iniikutan niya, mga taong kung may katumbas na pera ang panlilibak ay siguradong nilagpasan na ang pinakamayaman sa bansa ng mga mokong, silang mga kuwan… na kung ang kayabangan ay katumbas ng boto ay siguradong panalo na sa pagka-presidente. Kung baligtad ang kasabihan na ang mayayabang ang kinukuha ni Lord, ay mapupuno ang langit at mag-ooverload ang listahan ni San Pedro at sila nga ang mangunguna.

Madali ngang nagpadala sa pakana ang ating bida. Hindi na nga niya napansin na siya mismo ay bumuga na rin ng maaanghang na salita, samantalang hindi naman siya mahilig sa masiling pagkain. Singbaho na ng imburnal ang kaniyang bibig, samantalang maalaga naman sa pagsesepilyo. Kaya pala siya ay nabubulok narin at umaalingasaw na sa pagkahumaling sa inis at mababahong salita. Unti-unti na siyang nagbabago.

May mga super powers ang mga nilalang na ito. Kaya nagmimistulang salpukan ng mga karakter sa DC o kaya ay sa komiks ang eksena. Kaniya-kaniyang gamit ng powers upang mapabagsak ang iba.

Sinu-sino nga ba ang mga matatabil ang dilang ito na kinaya siyang patalunin sa kanilang patibong?

Ang isa ay itago natin sa pangalang Julian Walang Caharian.  Si Julian Walang Caharian ay nagkalat sa paligid.  Isang villain na astang superhero, may lantad na powers sa lahat at hindi nangingimi. Ang kapangyarihan niya mismo ang kaniyang kahinaan. Dinadaan sa ingay ang pagyayabang, daldal ang kaniyang ultimate weapon at sa pagdu-drawing siya expert. Siya ang tipong mangunguna upang umaangat sa iba. Siya ang tulad ng kung bumangka sa usapan ay gumagamit ng invisible boat na maaring nahiram kay Wonder woman.

Nandiyan din si Isay Walang Saysay.  Ang kapangyarihan niya ay hatakin ka sa walang kasaysayang mga bagay. Pahihinain ka niya sa pamamagitan ng pagpapanggap na katangahan. Gumagamit din siya ng ganda at karismang hungkag. Ang nais niya ay mawalan ka ng kwenta upang matulad ka sa kaniya. Walang powers na makalipad ngunit mahusay magpasakay sa kaniyang motorsiklong inarbor kay Bat Girl.

Isa pa ay si Elsang Walang Himala. Isa siyang banshee na bingi.  Sa lakas ng kapangyarihan niya ay kinaya niyang mabingi maging ang sarili.  Katulad ni Julian Walang Caharian, sila ay dumidepensa sa pamamagitan ng powers ng astang hindi naman kayang panindigan. Madalas din bumangka sa pamamagitan ng invisible boat ngunit nagmamala-Isay Walang Saysay sa katangahan. Sa katunayan siya na lang ang hindi nakakaalam na sila ay magkamaganak ni Isay.

Super Mokong copyMarami pang nakilala si Mokong sa kaniyang adventure. Ang walang kuwentang kuwentong ito ay tungkol sa maaksiyong pagtatagpo at kung paano niyang sinubukang gapiin ang mga mokong na villain na ito.

“Basta para sa amin mabuti kang tao…” umalingawngaw ito sa bao ng ulo ni Mokong habang nag-iisip ng pangontra sa nakatakdang pakikipagsapalaran at pakikidigma niya sa mga tulad nila, Julian Walang Caharian-ang hari ng sablay, Isay Walang Saysay-ang reyna ng pagtatangatangahan at Elsang Walang Himala-ang bansheeng bingengot.

Abangan ang kasunod…

 

Lutang

Lutang.

kape

Paggising ko pa lang alam ko na ang mga naghihintay na isyung haharapin.

Sinlawak ng karagatan, nakakalula samantalang simple lang naman. Ang kasimplehan ang siyang lumulula at kumukumplika o depende sa tumitingin. Depende sa kin.

Nandiyan ang kapatid ng imposibleng paglaya ng mga binilanggo ng mga may kapangyarihan.  Nandiyan ang kamag-anakan ng mga winawala ng mga bangis ng katotohanan.  Hindi rin pahuhuli ang mga pinsang ginutom at sinalat, winarak, inabusong dignidad.  Ang buong mag-anak ng katotohanang inaarok ng isang kuldit o grupo ng mga nagrereuniong problema ng lipunan.

Kung tutuusin, sa ganito nga ayaw mo nang magising pa.  Pero hindi ko kinakalimutan ang mga nagpapapagaang sa lahat ng ito na katulad mo.

Ang mga dahilan ng pagpahid ng muta upang malinaw na makakakita.  Ang mga dahilan ng pagmumumog upang magbitiw ng mababangong salita.  Ang mga dahilan ng paghahanda sa isang mayos na buhay at lipunan.

Na hindi mo lang alam ay simple kang timbang upang akoy patuloy na maglayag sa karagatang hindi ako maluloblob kailan man.  Ang kasimplehang ito ang magpapalutang sa mga nalulunod sa karagatang sinlaki ng problemang wala atang kalutasan.

Ikaw ang simpleng sa aki’y nagpapalutang sa pusod ng higanteng karagatan.

(Reposted from my old blog)

Ang mga musmos sa killer Hi-Way

Ang mga musmos sa killer Hi-Way

Photo by Harold of Colegio de San Juan de Letran - Calamba

Photo by Harold of Colegio de San Juan de Letran – Calamba

Isang dalagitang may dalang batang babae na sa tantiya ko ay nasa dalawang taong gulang ang pumanhik sa dyip na aking sinasakyan.  Hindi na nga bago ang eksenang ganito.  Ngunit may kakaiba sa dalawang ito na umagaw ng aking pansin.

Makailang beses na akong nakasakay ng dyip na pinapanhik ng ilang mga kabataang namamalimos. Pero kakaiba ang dalawang ito.

Binabagtas ng biyaheng Cubao ang Hi-way ng Commonwealth.  Pagtapat sa Commonwealth market ay mabilis ang naging kilos ng dalagita na agad sumakay sa nakahintong dyip na aking kinalalagyan habang nag-aabang ng iba pang pasahero.

Sa pananamit at itsura ng dalagita ay hindi siya mukhang pulubi. ‘Di ko sana siya mapapansin ngunit pabalibag niyang inilapag ang bit-bit na batang babae. YYun bang akala mo ay gamit na mabigat.

Naisip ko na marahil ay nawalan ng balanse ang dalagita kaya nabitawan niya ang bata.  Agad na napakapit naman ang maliit na bata sa hita ng lalaking nasa may kaliwa ko.

Nagtawanan pa sila ng babae niyang kasama na siguro ay asawa ng lalaki.  Dahil nakakatuwang panatag na panatag ang bata sa pagkakasiksik sa pagitan ng kaniyang dalawang hita.  Ika nga hindi nangingilala ang bata. Sanay na na makakita ng ibang mga tao.

Habang umaandar ang sasakyan ay isa-isa nang inilapag ng dalagita ang mga lamog nang sobre sa ibabaw ng mga hita ng bawat pasahero. Tila wala siyang pakialam kung matumba man ang musmos na kapatid.  Napatingin ako sa ekspresyon ng mukha ng dalagita.  Nakasimangot ito.  Samantalang ang maliit na bata ay libang na libang na naglalaro sa pagpapalipat-lipat sa mga hita ng pasahero.

Namamalimos nga ang dalagita.  At ginagamit pa ang kaniyang maliit na kapatid sa pamamalimos ang agad kong naisip.

Sa halip na maawa ay inis ang aking naramdaman.  Agad kong nasisi ang mga magulang ng dalawang bata.  Kung bakit kinailangan pang magkaganito ng dalawang musmos.

Nagbigay naman ng barya ang ilang pasaherong naawa.  Samantalang ilan din sa amin ang hindi nagpadala na sa tingin ko ay magpapamihasa kung magtatagumpay ang mga bata sa ganitong gimik ng pagpapaawa sa amin.

Nang matapos niyang kuhain ang mga sobre. Ay patulak na pinabababa ng dalagita ang bata. Nang matapat sa akin ay hinawakan ko ito sa braso dahil sa pag-aalalang malaglag dahil papahinto pa lamang ang dyip na aming sinasakyan.

Astang yamot ang dalagita sa kapatid.  Nang tuluyan nang huminto ang dyip ay pumanaog na ito at inambaan ng palo ang maliit na bata.  Pagkakarga nya rito ay binitawan ko na rin ang braso ng maliit na bata.

Ilang saglit pa ay mabilis na silang nakalayo patungo sa susunod na dyip na lilimusan.

Haka-haka ng isa sa may edad nang babaeng pasahero, “Kay bata pa kasi ay nag-anak na.” Ayon naman sa isa, “Baka naman napulot lang niya ang bata, halata kasi hindi siya nag-aalala.”

Hindi ko naisip ‘yon.  Pero marami nga ang posibilidad.  Ang naglalaro sa isip ko noon, ano kaya ang dapat kong ginawa? Hindi nanaman ako nakapag-isip nang mabilis na aksyon.  Huli na at malayo na ang dyip naming patuloy pa rin sa paglalakbay.

Note:

The photo was an entry to TFDP’s “Tinamaan ka ng Lente 2011 HR Photo Contest”
Students’ Category
Title: Mama, saglit lang…
Karapatan ng bawat bata ang makapag laro at makapag libang. Isang maliit at simpleng karapatan na kadalasa’y naipag kakait pa.
Photo by Harold of Colegio de San Juan de Letran – Calamba

Teamwork online

Teamwork online

“One is too small a number to achieve greatness.” –John C. Maxwell

Nagkita-kita ang ilang indibidwal mula sa iba’t-ibang NGOs nuong nakaraang October 8, 2013 sa Ceferina’s Restaurant sa may Matahimik St. sa Q.C. Ang laman ng huntahan, magkaron ng ‘updating’ hinggil sa kalalagayan ng “Anti-Cybercrime Law” na na-TRO sa tulak na din ng mga protesta hinggil sa ‘unconstitutionality’ ng nasabing batas. At ang presentasyon ng proyektong “3rd HR Pinduteros Choice Awards.”

Oct 8 HR Pinduteros meet small

Bahagi ito ng inisyatiba ng HRonlinePH.com hinggil sa pagtutulungan ng mga NGOs na gumagamit ng online bilang isang tool para sa promosyon at kampanya ng kani-kanilang adbokasiya sa karapatang pantao.

Marnie and Nica

Marnie and Nica

Sa maliit na ‘resources’ at sa malaking naitulong ng Foundation for Media Alternatives (FMA) ay inanyayahan ang mga indibidwal mula sa ilang HR NGOs at Peoples Org., siyempre hindi ‘invited’ ang mga NGOs ni Napoles na hindi rin naman namin matatagpuan kung sakaling magkamali kaming imbitahan at ‘di rin naman pupunta kasi siguradong gisado sila kung nagkataon.

May mga indibidwal din na bloggers ang inanyayahan, bagamat ang ilan ay hindi nakarating dahil sa ‘conflict’ sa skedyul. Ganunpaman ay mahigit sa 20 rin ang knakarating. Mabuti na lang at hindi na rin dumami dahil kundi ay lalaki ang bills sa restaurant.

Uminog ang pulong sa talakayan hinggil sa ‘Internet Freedom’. Ito kasi ang tema para sa 3rd HR Pinduteros Choice Awards.

“For the third time, Human Rights Online Philippines or HRonlinePH.com will give recognition to human rights defenders’ efforts to promote, assert and defend human rights by maximizing online platforms. This year the event will celebrate the assertion for freedom of expression and opinion online and offline with the theme “Internet Freedom… our rights, our choice, our voice.”

OLYMPUS DIGITAL CAMERAOLYMPUS DIGITAL CAMERA

Maliban sa mas maraming pagpapatawa at pangungulit, binigyang saysay ang talakayan ng mga panauhing tagapagtalakay na sina Nica ng FMA at Marnie ng PIFA. At katulad ng inaasahan ay ang masiglang pakikilahok ng mga nagsidalo.

“… we have seen a growing movement of people around the world who are advocating for change – for justice, equality, accountability of the powerful and respect for human rights. The Internet has often played key a role in such movements by enabling people to connect and exchange information instantly and by creating a sense of solidarity,” said UN Special Rapporteur on freedom of expression, Frank La Rue, when presenting his annual report to the UN General Assembly.

The Special Rapporteur reminded States that, as a general rule, they must ensure that everyone enjoys his or her right to freedom of opinion and expression by maintaining free flow of information on the Internet, and ensuring that the Internet is available, accessible and affordable to all. However, La Rue recognized that freedom of expression can be restricted in very exceptional cases in line with international human rights instruments.

Humantong ang talakayan at huntahan sa tanong na kailangan pa nga ba ang isang “Anti-Cyber Crime Law”?

Sa mga nagdaang “statements” ay sinabi na natin na ang RA10175 ay magagamit lamang laban sa karapatan ng mamamayan sa malayang pamamahayag. Pagtatangka ito na pigilan ang malayang paglalahad ng kritisismo sa anumang kapalpakan ng pamahalaan.

Ilang ulit nang sinabi… Karapatan ng mamamayan ang pagpapahayag ng diskuntento o pagtutol sa anumang polisiya ng pamahalaan. Hindi ba’t ang mamamayan ang “BOSS”?

Frank La Rue explaing the work of the UN human...

Frank La Rue explaing the work of the UN human rights comission regarding the internet, at a press briefing at the Foreign Ministry, Stockholm, Sweden (Photo credit: Wikipedia)

The UN Special Rapporteur on the promotion and protection of the right to freedom of opinion and expression Frank la Rue clarified that there is no need to introduce new standards regulating the freedom of expression on the Internet as all standards already exist, in particular in the article 19 of the International Covenant on Civil and Political Rights.

-On 29 February 2012, at the 19th session of United Nations (UN) Human Rights Council, a Panel on Freedom of Expression on the Internet
http://humanrightshouse.org/Articles/17693.html

Para sa aking pagkakaunawa, ang tagumpay ng social networking bilang medium ay dahil binibigyan nito ng lakas ang pagkakaisa ng mamamayan upang malayang magpalitan ng mga impormasyon at magpahayag. ‘Yan ang ikinatatakot ng mga kurap. Na ang diskuntento na “expressed online” ay tutungo sa “mobilization offline”. Hindi dapat matakot ang matino.

“The successful online campaign against the unconstitutional RA10175 or the Anti-Cybercrime Act of 2012 that temporarily stopped its actual implementation and the very recent August 26 #MillionPeopleMarch in Luneta, initiated online by netizens against the PDAF scam revealed the undeniable capacity of the Filipino people to assert its rights and the use of ONLINE MEDIA as a powerful tool. The power of the people that was manifested both online and offline in both instances had proven the world how true that Philippines indeed is the social networking capital of the world. Alongside, it exposes that the recurring and continuing threat of suppression of freedom of expression also holds true, thus the need to be on guard, more vigilant and assertive in defending for these freedoms.”

Tama, ang social networking o online platform ay magtatagumpay kung pahihigpitin natin ang ika nga ay online teamwork. Online Teamwork para sa karapatang pantao. Kaya ang ‘tag line’ ng HRonlinePH.com ay “Inform. Inspire. Mobilize.”

Ang karapatang pantao ay parehas – online man o offline. Back to basic tayo, ang social networking ay katulad ng anumang pagkilos ng mamamayan -online man o offline kailangan natin ng teamwork.