Tag Archives: Poverty

Ang mga musmos sa killer Hi-Way

Ang mga musmos sa killer Hi-Way

Photo by Harold of Colegio de San Juan de Letran - Calamba

Photo by Harold of Colegio de San Juan de Letran – Calamba

Isang dalagitang may dalang batang babae na sa tantiya ko ay nasa dalawang taong gulang ang pumanhik sa dyip na aking sinasakyan.  Hindi na nga bago ang eksenang ganito.  Ngunit may kakaiba sa dalawang ito na umagaw ng aking pansin.

Makailang beses na akong nakasakay ng dyip na pinapanhik ng ilang mga kabataang namamalimos. Pero kakaiba ang dalawang ito.

Binabagtas ng biyaheng Cubao ang Hi-way ng Commonwealth.  Pagtapat sa Commonwealth market ay mabilis ang naging kilos ng dalagita na agad sumakay sa nakahintong dyip na aking kinalalagyan habang nag-aabang ng iba pang pasahero.

Sa pananamit at itsura ng dalagita ay hindi siya mukhang pulubi. ‘Di ko sana siya mapapansin ngunit pabalibag niyang inilapag ang bit-bit na batang babae. YYun bang akala mo ay gamit na mabigat.

Naisip ko na marahil ay nawalan ng balanse ang dalagita kaya nabitawan niya ang bata.  Agad na napakapit naman ang maliit na bata sa hita ng lalaking nasa may kaliwa ko.

Nagtawanan pa sila ng babae niyang kasama na siguro ay asawa ng lalaki.  Dahil nakakatuwang panatag na panatag ang bata sa pagkakasiksik sa pagitan ng kaniyang dalawang hita.  Ika nga hindi nangingilala ang bata. Sanay na na makakita ng ibang mga tao.

Habang umaandar ang sasakyan ay isa-isa nang inilapag ng dalagita ang mga lamog nang sobre sa ibabaw ng mga hita ng bawat pasahero. Tila wala siyang pakialam kung matumba man ang musmos na kapatid.  Napatingin ako sa ekspresyon ng mukha ng dalagita.  Nakasimangot ito.  Samantalang ang maliit na bata ay libang na libang na naglalaro sa pagpapalipat-lipat sa mga hita ng pasahero.

Namamalimos nga ang dalagita.  At ginagamit pa ang kaniyang maliit na kapatid sa pamamalimos ang agad kong naisip.

Sa halip na maawa ay inis ang aking naramdaman.  Agad kong nasisi ang mga magulang ng dalawang bata.  Kung bakit kinailangan pang magkaganito ng dalawang musmos.

Nagbigay naman ng barya ang ilang pasaherong naawa.  Samantalang ilan din sa amin ang hindi nagpadala na sa tingin ko ay magpapamihasa kung magtatagumpay ang mga bata sa ganitong gimik ng pagpapaawa sa amin.

Nang matapos niyang kuhain ang mga sobre. Ay patulak na pinabababa ng dalagita ang bata. Nang matapat sa akin ay hinawakan ko ito sa braso dahil sa pag-aalalang malaglag dahil papahinto pa lamang ang dyip na aming sinasakyan.

Astang yamot ang dalagita sa kapatid.  Nang tuluyan nang huminto ang dyip ay pumanaog na ito at inambaan ng palo ang maliit na bata.  Pagkakarga nya rito ay binitawan ko na rin ang braso ng maliit na bata.

Ilang saglit pa ay mabilis na silang nakalayo patungo sa susunod na dyip na lilimusan.

Haka-haka ng isa sa may edad nang babaeng pasahero, “Kay bata pa kasi ay nag-anak na.” Ayon naman sa isa, “Baka naman napulot lang niya ang bata, halata kasi hindi siya nag-aalala.”

Hindi ko naisip ‘yon.  Pero marami nga ang posibilidad.  Ang naglalaro sa isip ko noon, ano kaya ang dapat kong ginawa? Hindi nanaman ako nakapag-isip nang mabilis na aksyon.  Huli na at malayo na ang dyip naming patuloy pa rin sa paglalakbay.

Note:

The photo was an entry to TFDP’s “Tinamaan ka ng Lente 2011 HR Photo Contest”
Students’ Category
Title: Mama, saglit lang…
Karapatan ng bawat bata ang makapag laro at makapag libang. Isang maliit at simpleng karapatan na kadalasa’y naipag kakait pa.
Photo by Harold of Colegio de San Juan de Letran – Calamba