Kontrol

 

Sa larawang ito na kinunan ko mula sa bintana ng eroplano sa isa sa mga biyahe ko, aakalain kong ako ang may kontrol sa lahat. Ngunit ang totoo, hindi. Ang kontrolado ko ay ang mga iniisip ko at hindi ang lahat nang ito.

Nagising ka na lang isang araw na marami ka na palang nasasaktan. Ang pinipilit mo, na parang kinukumbinsi mo pa ang sarili ay hindi ikaw yon. Hindi mo ugaling makapanakit o sadyang manakit ng damdamin.

Naisip mo rin na kapag hindi mo pa ito tinigilan ay maging ang mga mabubuting tao na malapit sa iyo ay magagalit na rin at mababaligtad ang lahat. Ikaw na ang nakakaasaran, ikaw na ang nakakabwisitan, ikaw na ang mga taong inaayawan mo.

Mabuti na lang at agad mong napansin ang pagiging mainisin mo nitong mga nakakaraang araw. Kung paanong sa iyong mga inuman sessions kasama ang mga kaibigan ay pinupulutan mo ang pagkayamot, binibidyoke mo ang galit at bina-bucket ang pagiging bayolente.

Minsan mas madaling sabihin kaysa gawin na manggugulo ka. Pero dahil nadi-dare ka ng ispirito ng alak, baka magulat ka na lang na nagawa mo na. Lalo’t kapag nasapian ka na ng bulkang Mayon na biglang sumasabog at nagluluwa ng mga lavang makakapanakit ng iba. Pagsisisihan mo din naman sa huli. Hindi ba’t mas Masaya kung ang sasapi sa iyo ay Sto. Nino o kaya higante sa tuwing mag-bibidyooke kayo, katulad ng kulitan ninyong magkakatropa.

Hanggang ganito ka, palabo nang palabo ang lahat. Hanggang hindi ka na nila nauunawaan sa huli ay maaring bumitaw ang yong mga kaibigan sa pagsuporta sa iyo.

Nais mo kamong tigilan na ang kahunghangang ito. I-ending na ang teleserye ng pagwawala. I-re-launch ang teleseryeng hindi ikaw ang kontrabida. Isang mala-game of thrones na kung saan ay ikaw ang tauhang malugod na susubaybayan ng iyong mga manunuod at ikatutuwa nila ang husay ng kuwento at pagkakalikha. At pagkukwentuhan nila ang episode nang nakangiti at may aral na maganda at excited na mag-aabang sa iyong susunod na kabanata.

Tama. Simulan mo sa pag-amin sa iyong pagkakamali. Hindi dapat isisi sa iba ang gulong ikaw naman ang may gawa. Hindi mo rin naman dapat sisihin ang sarili. Kailangang lang ng isang pag-amin sa sarili na ang layunin ay makaisip ng solusyon sa ‘yong issues. Pag-amin upang maibsan ang pagkayamot sa iba, sa kanila na hindi mo maku-kontrol. Dahil sa huli ikaw, ang iyong sarili ang kaya mong kuntrolin at hindi sila. Sa huli ikaw din naman ang pipili ng tama at mali.

Ang ugat ng iyong kinakaiinisan ay trigger ng baril. Ikaw ang daliring kakalabit sa kanila. Ipuputok ang bala ng pagkainis na hindi mo alam ay itinutok mo na pala sa iyong sarili. Ikaw ang sugatan sa ending.

Naaalala mo ba nang sabihin mong “Huwag niya akong pinasasakay, baka sakyan ko ang trip niya, agawin ko ang manibela, patatakbuhin ko nang mabilis at ibabangga, sa huli siya ang duguan at luhaan.” Nakalimutan mong kasama ka pa rin sa babangga. Kung duguan siya siguradong damay ka. Duguan ka din at sugatan.

Kung mapapansin mo, ito ay tungkol sa isyu ng “control”. Nanggagalaiti ka sa mga inaayawan mo dahil gusto mo silang patigilin. Hindi mo gusto ang pakiramdam ng hindi mo sila makontrol.

Dapat bago mo silang tangkaing kontrolin, ipaalala mo sa sarili na hindi ito madali. Katulad mo ay may sarili silang desisyon, katulad ng lahat sila ay malayang makapamili ng tama at mali. Ang pinili nila ay saktan ka, asarin ka, pintasan ka o anupaman, ang pinaka mainam na depensa mo ay ang pag-kontrol hindi sa kanila kundi sa iyong sarili.

Ika nga ni Bo Sanchez, “Impatience comes from your desire to control the things you cannot control.”

Ang pinaka-matalinong gawin dahil alam mo kung ano ang kaya mo at hindi, piliin mong kuntrolin ang sarili- na siguradong kayang-kaya mo at wala silang magagawa. Hindi rin nila kayang kontrolin ka.

Ang gusto mo ikaw ang in control sa sitwasyong kinalalagyan mo, nagagalit ka dahil sa tingin mo ay sila ang nakaka-kontrol sa sitwasyon. Hindi mo napapansin pumayag kang sila ang kumuntrol nang magsimula kang magpadala, sumakay sa trip nila. Nang magsimula kang magalit, magpaapekto, at maging bayolente.

Dapat dahil mokong ka, alam mo kung paanong harapin ang mga mokong na ‘yan. Nasa iyong kamay ang iyong kamukongan.

Leave a comment