Category Archives: Mokong says

The rise of Super Mokong: Ang batang mokong

The rise of Super Mokong: Ang batang mokong

Gapiin ang kaaway. ‘Yan daw ang pangarap ng soon to rise super mokong.

Sunod-sunod ang masasamang balita, hindi lang sa Pilipinas, ngunit maging sa ibang panig ng mundo. Kung iisa-sahin nga ay malaking kita ang ipapanhik sa mga malalaking production ng series sa mundo ng telebisyon at pelikula.

Sigurado ngang ang mga pangyayari sa mga sikat na bansa ay manganganak nanaman ng mga kuwento ng heroes at martir. Ang matindi ay pagkakakitaan nanaman ito ng hollywood .

Habang nag-iisip si Mokong ng diskarte kung paano siya makakatulong sa mga nabiktima ng mga halimaw ay magbabalik-tanaw ang kuwento sa pagkabata ni Mokong.

Heroes aren’t born, they are made at gayundin ang mga villains. Marami ngang pagkakatulad ang pagkabata ni Mokong sa mga pinagdaanan ng mga fictional na superheroes.  Ipinanganak sa isang lipunang binubuo ng mga heroes at villains. Nakatira sa isang simple at komplikadong komunidad na may mga komplikadong tao.  Unti-unti ang pagdiskubre sa kaniyang mga powers.

Bata pa nuon si Mokong nang masalubong niya ang isa sa mga matitinding villains.

Hindi mawari ni Mokong kung bakit kakaiba siya sa mga bata nuon. Pinalaki siyang mala-Harry Potter na hindi pwedeng makipaglaro sa labas.  Ikinukulong sa bahay at palaging kinakatulong sa gawaing bahay ng kaniyang lola.

Madalas ay nakadungaw sa malaking bintana sa 2nd floor ng lumang bahay si Mokong. Tanaw ang mga batang naglalaro sa kalye sa labas. Ang bahay nila ay isa sa mangilan-ngilan na lang na lumang bahay sa gitna ng siyudad.

Dahil dito ay napagbihasaan ni Mokong ang kaniyang unang power, ang imahinasyon. Dinadala si Mokong ng powers niyang ito sa labas nang hindi napupuna ng kaniyang lola.  Nakukuha pa nga niyang maglakbay sa pamamagitan ng paglipad ng hindi nadi-detect ng immigration. Nakakapasok siya sa mga banyo ng kapitbahay ng hindi napupuna ng sinumang naliligong kaniyang nais mabosohan.

Ngunit dahil din dito ay ma-a-attract niya ang isa sa mga masasagupa niyang kalaban.

Inutusang mag-florwax nuon ng kahoy na sahig si Mokong ng kaniyang lola.  Napapakintab niya itong madalas.  Hindi niya ito ikinaasar o ikinapapagod.  Ang gawi niya kasi ay gamitin ang kaniyang secret weapon. Ang kaniyang hindi maintindihan kung kotse o spaceship na sasakyan. At gawing laro ang pag-pu-florwax.

Jpeg

Naimbento ni Mokong ang spaceship o sasakyan na ito mula sa upuang kahoy na may kataasan at kabigatan. Dito ata inspired yung mga monoblock na walang sandalan. Ewan kung tama, ang tawag ata sa ingles rito ay stool.

Ihihiga niya ang upuan sa ibabaw ng malapad na basahang mula sa mga sirang lumang T-Shirt. Nandiyang itulak niya ito nang pabalikbalik na parang kariton, habang naglalakbay sa malayong lugar ang imahinasyon.

Sa biyahe nga niyang ito ay narating niya ang northpole.  Para kasing sleigh ang kaniyang spaceship kaya akma ito sa nagyeyelong ilog sa lugar na ito.  Sumakay siya dito at nagpaikot-ikot.  Tahimik at magaan sa pakiramdam. Dito rin niya natutunang kumanta. Habang nagpapadulas sakay sa kaniyang spaceship sinasabayan niya ng pagkanta ng jingle bells nang  paroot-parito rin sa chorus dahil yun lang ang kaniyang kabisado at kahit hindi pa pasko.

Hindi namalayan ni Mokong ang pagtawag ng kaniyang lola sa ibaba. Pasigaw. Highblood agad. ‘Yun para bang hindi pa man ay high pitch agad dahil alam na ng matanda na hindi siya agad pakikinggan ng apong si Mokong.

Ilang ulit pa siya nitong tinawag, kaya naman pumanhik na ito upang sugurin si Mokong.

Natigilan si Mokong sa pag-jingle bells nang maulinigan niya ang isang malakas na sigaw mula sa itaas ng nagyeyelong bundok. Dinig ito dahil tahimik ang kapaligiran.  Papalakas ang sigaw.  Sa sobrang lakas ay hindi niya ito maintindihan. Sa sobrang lakas ay nayayanig ang paligid, nabibitak ang yelo sa kaniyang paanan.

Samantala ang Lola ni Mokong na sa taba ay parang sumo wrestler, dahil sa hilig nito sa pagkain, ay nakatayo sa di kalayuan sa kinalalagyan niya. Nakuha nito ang pansin nang natigalgal na si Mokong.  Ngunit hindi ito ang may ari ng papalakas na tinig. Sigurado siya.

JpegKitang kita niya ang Lola sa kaliwang bahagi ng nagyeyelong ilog. Nag-aapoy ito sa galit sa kaniya habang sa taas ng bundok ay may nilalang na papalapit, ang may-ari ng sigaw.

Lalapit na nuon ang kaniyang Lola sa kaniya at alam niyang pipingutin siya nito.  Gusto niya itong pigilin hindi dahil sa akmang pamimingot nito, ngunit dahil sa nararamdamang takot sa paparating na nilalang na sumisigaw mula sa bundok. Gusto niyang iligtas ang matanda mula sa nararamdaman niyang panganib na dala ng nilalang mula sa nagyeyelong bundok.

Agad niyang itinulak ang kaniyang spaceship papunta sa matanda.  Ipinuwesto niya ito sa likod ng matanda, at mabilis na itinulak na ikinasadalak ng lola paupo rito. Lalo itong ikinagalit ng nagulat na matanda.  Akala niya ay pinagti-tripan siya ni Mokong, kawalang galang sa kaniya na siyang nag-aruga at kumopkop rito.

Mabilis itong itinulak papalayo ng batang si Mokong upang maiwasan ang nakakatakot na nilalang na paparating. Agad silang nakabalik sa kanilang bahay na parang gumamit ng time machine.

Ngunit mas mabilis ang nilalang sa kaniya.  Wala pa siyang power na speed. Kaya naman ilang iglap lang ay nasa harapan na nila ito at nakaharang, sumama sa kanilang bahay ang nilalang.

Bumalikwas sa pagkaksadlak sa maliit na spaceship ang lola ni Mokong na ngayon ay nagbalik na sa dating anyo kasama ng lahat. Hinarap siya nito. Kitang kita ang galit sa nanlilisik nitong mga mata. Bastos kang bata ka, walang modo, walang galang! Ang mga sumunod na nasabi nito ngunit ang ipinagtataka niya ay hindi nito nakikita ang nilalang na humarang sa kanila at nasa likod lang nito.

Kitang kita ni Mokong ang maitim na nilalang na nababalot ng puti at gulagulanit na coat na may hood.  Mabilis ito kumilos at sumapi sa kaniyang lola.  Nagbitiw ng malakas na tinig ang matanda, nakakabingi at hindi maintindihan.  Napatakip na lamang ng tenga ang batang si Mokong at nasadlak sa pinakikintab na sahig.  Kaya naman hindi na siya nakaiwas nang dakmain siya nito.

Gapiin ang kaaway. Nakilala na ni Mokong ang unang villain sa buhay niya bilang batang Mokong. Kakayanin kaya niya ang may-ari ng nakabibinging tinig? Paano niya ito gagapiin kung sa minamahal niyang lola ito sumapi? Abangan ang kasunod…

Sa isang iglap ako’y napatula

Sa isang iglap ako’y napatula
Naglambing ang mga letra ng katha
Kinilig ang tuldok, kuwit ay nagtangka
Pananong ay umastang padamdam
Sa kudlit ng pusong tila nabigla

Sa isang iglap nagdikit ang mga patlang
Ng mga panaguring sa simuno ay akala ko’y ikaw
Nangusap ang isip, sa payak na tambalan
Tangkang maglandi, makipagharutan
Ng mga ngiti sa pangangahulugan.

Sa isang iglap ako’y napasulat
Ng liham na singhaba ng kalungkutan
ikaw ang pamuhatan, ng muntikang kahangalan
Sa kuwentong walang singtamis ng pagpapanggap
bating panimulang, bating winakasan

Kaya naman sa isang iglap din ako’y napatula
Naghalo ang taludturan ng mga pang-uuyam
Ang langit ay sukat sa hinalang tugma
Astang pagwawangis, tayutay na labis
Akalang pagtatangi’y pagtutulad pala

sa pagsintang walang kapag-a-pag-asa…

Kontrol

 

Sa larawang ito na kinunan ko mula sa bintana ng eroplano sa isa sa mga biyahe ko, aakalain kong ako ang may kontrol sa lahat. Ngunit ang totoo, hindi. Ang kontrolado ko ay ang mga iniisip ko at hindi ang lahat nang ito.

Nagising ka na lang isang araw na marami ka na palang nasasaktan. Ang pinipilit mo, na parang kinukumbinsi mo pa ang sarili ay hindi ikaw yon. Hindi mo ugaling makapanakit o sadyang manakit ng damdamin.

Naisip mo rin na kapag hindi mo pa ito tinigilan ay maging ang mga mabubuting tao na malapit sa iyo ay magagalit na rin at mababaligtad ang lahat. Ikaw na ang nakakaasaran, ikaw na ang nakakabwisitan, ikaw na ang mga taong inaayawan mo.

Mabuti na lang at agad mong napansin ang pagiging mainisin mo nitong mga nakakaraang araw. Kung paanong sa iyong mga inuman sessions kasama ang mga kaibigan ay pinupulutan mo ang pagkayamot, binibidyoke mo ang galit at bina-bucket ang pagiging bayolente.

Minsan mas madaling sabihin kaysa gawin na manggugulo ka. Pero dahil nadi-dare ka ng ispirito ng alak, baka magulat ka na lang na nagawa mo na. Lalo’t kapag nasapian ka na ng bulkang Mayon na biglang sumasabog at nagluluwa ng mga lavang makakapanakit ng iba. Pagsisisihan mo din naman sa huli. Hindi ba’t mas Masaya kung ang sasapi sa iyo ay Sto. Nino o kaya higante sa tuwing mag-bibidyooke kayo, katulad ng kulitan ninyong magkakatropa.

Hanggang ganito ka, palabo nang palabo ang lahat. Hanggang hindi ka na nila nauunawaan sa huli ay maaring bumitaw ang yong mga kaibigan sa pagsuporta sa iyo.

Nais mo kamong tigilan na ang kahunghangang ito. I-ending na ang teleserye ng pagwawala. I-re-launch ang teleseryeng hindi ikaw ang kontrabida. Isang mala-game of thrones na kung saan ay ikaw ang tauhang malugod na susubaybayan ng iyong mga manunuod at ikatutuwa nila ang husay ng kuwento at pagkakalikha. At pagkukwentuhan nila ang episode nang nakangiti at may aral na maganda at excited na mag-aabang sa iyong susunod na kabanata.

Tama. Simulan mo sa pag-amin sa iyong pagkakamali. Hindi dapat isisi sa iba ang gulong ikaw naman ang may gawa. Hindi mo rin naman dapat sisihin ang sarili. Kailangang lang ng isang pag-amin sa sarili na ang layunin ay makaisip ng solusyon sa ‘yong issues. Pag-amin upang maibsan ang pagkayamot sa iba, sa kanila na hindi mo maku-kontrol. Dahil sa huli ikaw, ang iyong sarili ang kaya mong kuntrolin at hindi sila. Sa huli ikaw din naman ang pipili ng tama at mali.

Ang ugat ng iyong kinakaiinisan ay trigger ng baril. Ikaw ang daliring kakalabit sa kanila. Ipuputok ang bala ng pagkainis na hindi mo alam ay itinutok mo na pala sa iyong sarili. Ikaw ang sugatan sa ending.

Naaalala mo ba nang sabihin mong “Huwag niya akong pinasasakay, baka sakyan ko ang trip niya, agawin ko ang manibela, patatakbuhin ko nang mabilis at ibabangga, sa huli siya ang duguan at luhaan.” Nakalimutan mong kasama ka pa rin sa babangga. Kung duguan siya siguradong damay ka. Duguan ka din at sugatan.

Kung mapapansin mo, ito ay tungkol sa isyu ng “control”. Nanggagalaiti ka sa mga inaayawan mo dahil gusto mo silang patigilin. Hindi mo gusto ang pakiramdam ng hindi mo sila makontrol.

Dapat bago mo silang tangkaing kontrolin, ipaalala mo sa sarili na hindi ito madali. Katulad mo ay may sarili silang desisyon, katulad ng lahat sila ay malayang makapamili ng tama at mali. Ang pinili nila ay saktan ka, asarin ka, pintasan ka o anupaman, ang pinaka mainam na depensa mo ay ang pag-kontrol hindi sa kanila kundi sa iyong sarili.

Ika nga ni Bo Sanchez, “Impatience comes from your desire to control the things you cannot control.”

Ang pinaka-matalinong gawin dahil alam mo kung ano ang kaya mo at hindi, piliin mong kuntrolin ang sarili- na siguradong kayang-kaya mo at wala silang magagawa. Hindi rin nila kayang kontrolin ka.

Ang gusto mo ikaw ang in control sa sitwasyong kinalalagyan mo, nagagalit ka dahil sa tingin mo ay sila ang nakaka-kontrol sa sitwasyon. Hindi mo napapansin pumayag kang sila ang kumuntrol nang magsimula kang magpadala, sumakay sa trip nila. Nang magsimula kang magalit, magpaapekto, at maging bayolente.

Dapat dahil mokong ka, alam mo kung paanong harapin ang mga mokong na ‘yan. Nasa iyong kamay ang iyong kamukongan.

Lipad

Lipad

Dear self

Nang ibato na niya ang tanong hinggil sa panawagan ng kampanya, hindi mo iyon tiningnan nang masama.  Bagamat inaasahan mo na may magtatanong nito, ay nailagay ka pa rin sa alanganin nang hindi pala naihanda ang sagot.

Nakakailan na ngang ideya ang nasimulan o masasabing napangunahan ng ating opisina.  Madalas katulad ng inaasahan ay hindi mo mapi-please lahat.  Para sa akin, sukatan ito kung magpa-fly ika nga ang isang ideya.

Kung may hindi sasang-ayon, mayroon namang bigay todo, kumbinsido, at siguradong-sigurado sa pagyakap sa ideyang mimumungkahi mo.

Ang mahalaga rin ay malinaw sa iyo ang layunin, target at mensaheng ibig mong paliparin.

Lilipad ang ideya, hindi mo ito mapipigilan—hangga’t may naniniwala, may kikilos at may magpupursige sa pagpapaliwanag.

Mas maraming ulo at pananaw na magsasama, magbabangga at magpapaligsahan, ayos at mainam basta ang layunin ay malinaw—ang pagbutihin, mas mapainam ang nasimulang ideya at inisyatiba.

Naniniwala ako sa isang palasak na sabi-sabi — “Basta sama-sama, Kayang-kaya!”

 

———

Ang mga nakaraang araw ay punong-puno ng pamumuna. Bagamat sa bahagi mo, positibo naman ang motibo ay bigla mong naitanong, “hindi naman kaya sobra na?”

Sobra na kapag walang nangyayari. Kapag ang pinupuna ay hindi nagbabago. Hindi bukas sa puna.

Malapit-lapit sa pagkauyam.  Kapag hindi nakikinig ang pinupuna, nagsasawa ka rin sa pagtatangkang mabago ang pinatutungkulan, gayundin nagsasawa ka sa negatibong pakiramdam na idinudulot nito sa iyong sarili.

Masusubok ang pinagsasabi hinggil sa “Team-Work”—Sa pagbubuo ng team, kailangang may maiaambag ang bawat isang kasama rito.  Ngunit kung ang ambag ay hindi na positibo para sa layunin, nagiging “difficult person” na ika nga, nagiging balakid para sa team, kailangang papasukin mo na ang paniniwala hinggil sa kung paano i-handle at pakitunguhan ang kasamahang ito.

Magagawa mo ito kung pupunahin mo rin ang sarili bilang pambalanse.  We are perfectly imperfect.

uling

——

Upang i-inspire ang sarili mo sa buong Linggong nakakapagod, inisip mong sa anumang liit ngunit may pagtitiyaga at pagsisigasig pasasaan ba’t makakamit ang hangad. Mainam ito sa kampanya, maaaring hindi man ngayon at gad-agad, ngunit sa tuloy-tuloy, walang humpay na pagkilos pasasaan ba’t magtatagumpay din tayo.

Sa kabilang banda marami na ang mga mokong na hindi nagsisikap at nagsisigasig dahil sa mga basurang pamamaraan sa pagkamit sa hangad, kayang-kaya na short-cut ba. E bumababaw na ang maraming ilog dahil sa basura ng korapsiyon at kasakiman.

Para sa mokong na katulad mo, masarap pa rin ang tagumpay na pinag-iisipan at pinaghihirapan.

ulan

 

 

Kalma

Kalma

Sino nga ba ang hindi nakakaramdam ng panghihina, pagkasawa o mas malala pa ay pagkabagot sa buhay? Kahit nga ang katulad natin o mas tamang sabihing mas lalo nga siguro ang mga katulad nating palaging ang hinaharap sa araw-araw ay mga isyu ng tao o ‘di kaya naman ay problemang panlipunan. OA maaaring ituring ng iba, pero hindi nga ba’t ang mga tulad natin ay tao lamang.

Sa gitna ng mabilis na takbo ng maraming bagay sa buhay, nangangailangan ng panahong huminahon, kung kailangan nga ay sandaling huminto, kung baga pa sa sasakyan ay mag-minor. Sa busy-busyhan na buhay ay kailangang ng outlet.

Naisip ko nga kaya pala ako umiinom madalas. Parang pagtakas pero panandalian lamang. Parang pagpapahinga upang maghandang muli sa pagharap sa kinabukasang gawain.

Nitong nakaraang lingo nga, mula sa bagamat hindi nakakapagod na “presentation” sa isang imbitasyong pag-pupulong sa Surigao Del Sur, hinggil sa isang batas na isinusulong ng grupo at sa kampanya o mga plano hinggil dito ay isinisingit naming ang pagkuha ng mga larawan.

Salamat sa teknolohiya ng mga gadyet at nagagamit ng mga tulad kong feeling photographer. Kung ituring ng iba ay pagda-drama. Pero sa mga kuhang tulad nito ay napapanatag ang aking loob.

Jpeg

Sa ganitong tanawin ay ipinapaalala ko sa aking sarili na palaging may ganda pa rin naman ang buhay sa kabila ng mga katotohanang pangit na nauunawaan at nakamulatan ng mga katulad ko.

Ang pagpu-post ng ganitong mga larawan ay pagpapahinahon upang muling magsikhay. May mga lugar pa talagang simple ang pamumuhay, hindi palaging nagmamadali.

Ang probinsiya parang eksena sa mga pelikula.

Kalma.