Category Archives: Tula

Sa isang iglap ako’y napatula

Sa isang iglap ako’y napatula
Naglambing ang mga letra ng katha
Kinilig ang tuldok, kuwit ay nagtangka
Pananong ay umastang padamdam
Sa kudlit ng pusong tila nabigla

Sa isang iglap nagdikit ang mga patlang
Ng mga panaguring sa simuno ay akala ko’y ikaw
Nangusap ang isip, sa payak na tambalan
Tangkang maglandi, makipagharutan
Ng mga ngiti sa pangangahulugan.

Sa isang iglap ako’y napasulat
Ng liham na singhaba ng kalungkutan
ikaw ang pamuhatan, ng muntikang kahangalan
Sa kuwentong walang singtamis ng pagpapanggap
bating panimulang, bating winakasan

Kaya naman sa isang iglap din ako’y napatula
Naghalo ang taludturan ng mga pang-uuyam
Ang langit ay sukat sa hinalang tugma
Astang pagwawangis, tayutay na labis
Akalang pagtatangi’y pagtutulad pala

sa pagsintang walang kapag-a-pag-asa…

Advertisements

Nang silay walain

OLYMPUS DIGITAL CAMERAAng minsang pagkawala ay naging madalas na paghahanap
Ang bilang na isa ay tumutumbas sa milya-milya
Ang ngayon ay nagiging magpakailanman
Ang iyo ay akin ang kaniya ay sa lahat

Ang pag-aalala ay nagiging pangmatagalan
Ang pagluha ay pagtangis ay pagpalahaw
Sa isang iglap ay libong pag-apuhap
Sa pagsisintir na papunta sa pag-igpaw

Ang buo wasakin man ay pagkatao pa rin
Ang wasak naman subukang buuin ay gayun din
Kabilang sa hinanap, kabilang sa winala
Ngunit lalagi silang nasa kuwento at sa kwenta

Pangalan may burahin, buto may dikdikin
Takot noon ay tatapang ngayon
dahil ang simula ay lalaging may dulo
Ngunit ang mga winala, walang tapos, walang ending

Walain sila’y hinding-hindi kakayanin
Ang saysay nila ay magsasalin-salin
Ang kirot ng walang kasiguraduhan ay sasanayin ng mithiin
Ang lunas ay hahanapin, hanggang solusyon ay naisin
Dahil lalaging sila ay ako, kami, tayo
Nang sila’y iwala, tayo ay nagkita, sasama, tutungo sa paglaya.

Note: Ang tulang ito ay nilikha at binasa bilang pakikiisa sa mga Desaparecidos o mga biktima ng sapilitang pangwawala.

Nung isang gabi ka pa…

Photo by Mokong PerspektibMay 14, 2014 2:44am

Nung isang gabi ka pa gumugulo

Sa isip kong pagal na’t hapo

‘di makasingit ang mga pag-idlip

‘di makahirit ang mga panaginip

 

Nung ‘sang gabi ka pa dumating

isang libong oras ka nang naglalagi

‘di makasiksik ang mga pahinga

Sa naglulumikot mong ala-ala

 

Nung ‘sang gabi ka pa nagsumiksik

Sa bakante kong silid isipan

‘di manalo ang pananahimik

Mga patlang sa diwa’y pinagsasaan

 

Ilang gabi ka nang naghahari

Mga saglit ko’y kinikiliti

Binubulabog ang pananahimik

Ginigising ng yong mga hagikgik

Ligaya

OLYMPUS DIGITAL CAMERA

Ligaya

Isang kapirasong ngiti ay kayang tumunaw

Ano pa kaya ang hagikgik na dinig at tanaw

Isang libong halakhak at tawang pahiyaw

Isang milyong saya papalis sa ‘king uhaw

 

Isang kapirasong sulyap na ibinato sa ‘kin

Ano pa kaya ang pagbati sa pagpapapansin

Isang libong pagtingin at pagtitig na may diin

Isang milyong langit ang kayang liparin

 

Isang kapirasong halik idampi sa labi

Ano pa kaya kung yakap ang isukli

Isang libong yapos na ‘di nagmamadali

Isang milyong oras ng pagkakiliti

 

Isang kapirasong pansin na ipagkait

Ano pa kaya ang paglisan, sadyang mapait

Isang libong pag-iwan ang magpapaulit-ulit

Isang milyong taon mang sa isa’t-isa’y nawaglit.