Tag Archives: Children

The rise of Super Mokong: Ang batang mokong

The rise of Super Mokong: Ang batang mokong

Gapiin ang kaaway. ‘Yan daw ang pangarap ng soon to rise super mokong.

Sunod-sunod ang masasamang balita, hindi lang sa Pilipinas, ngunit maging sa ibang panig ng mundo. Kung iisa-sahin nga ay malaking kita ang ipapanhik sa mga malalaking production ng series sa mundo ng telebisyon at pelikula.

Sigurado ngang ang mga pangyayari sa mga sikat na bansa ay manganganak nanaman ng mga kuwento ng heroes at martir. Ang matindi ay pagkakakitaan nanaman ito ng hollywood .

Habang nag-iisip si Mokong ng diskarte kung paano siya makakatulong sa mga nabiktima ng mga halimaw ay magbabalik-tanaw ang kuwento sa pagkabata ni Mokong.

Heroes aren’t born, they are made at gayundin ang mga villains. Marami ngang pagkakatulad ang pagkabata ni Mokong sa mga pinagdaanan ng mga fictional na superheroes.  Ipinanganak sa isang lipunang binubuo ng mga heroes at villains. Nakatira sa isang simple at komplikadong komunidad na may mga komplikadong tao.  Unti-unti ang pagdiskubre sa kaniyang mga powers.

Bata pa nuon si Mokong nang masalubong niya ang isa sa mga matitinding villains.

Hindi mawari ni Mokong kung bakit kakaiba siya sa mga bata nuon. Pinalaki siyang mala-Harry Potter na hindi pwedeng makipaglaro sa labas.  Ikinukulong sa bahay at palaging kinakatulong sa gawaing bahay ng kaniyang lola.

Madalas ay nakadungaw sa malaking bintana sa 2nd floor ng lumang bahay si Mokong. Tanaw ang mga batang naglalaro sa kalye sa labas. Ang bahay nila ay isa sa mangilan-ngilan na lang na lumang bahay sa gitna ng siyudad.

Dahil dito ay napagbihasaan ni Mokong ang kaniyang unang power, ang imahinasyon. Dinadala si Mokong ng powers niyang ito sa labas nang hindi napupuna ng kaniyang lola.  Nakukuha pa nga niyang maglakbay sa pamamagitan ng paglipad ng hindi nadi-detect ng immigration. Nakakapasok siya sa mga banyo ng kapitbahay ng hindi napupuna ng sinumang naliligong kaniyang nais mabosohan.

Ngunit dahil din dito ay ma-a-attract niya ang isa sa mga masasagupa niyang kalaban.

Inutusang mag-florwax nuon ng kahoy na sahig si Mokong ng kaniyang lola.  Napapakintab niya itong madalas.  Hindi niya ito ikinaasar o ikinapapagod.  Ang gawi niya kasi ay gamitin ang kaniyang secret weapon. Ang kaniyang hindi maintindihan kung kotse o spaceship na sasakyan. At gawing laro ang pag-pu-florwax.

Jpeg

Naimbento ni Mokong ang spaceship o sasakyan na ito mula sa upuang kahoy na may kataasan at kabigatan. Dito ata inspired yung mga monoblock na walang sandalan. Ewan kung tama, ang tawag ata sa ingles rito ay stool.

Ihihiga niya ang upuan sa ibabaw ng malapad na basahang mula sa mga sirang lumang T-Shirt. Nandiyang itulak niya ito nang pabalikbalik na parang kariton, habang naglalakbay sa malayong lugar ang imahinasyon.

Sa biyahe nga niyang ito ay narating niya ang northpole.  Para kasing sleigh ang kaniyang spaceship kaya akma ito sa nagyeyelong ilog sa lugar na ito.  Sumakay siya dito at nagpaikot-ikot.  Tahimik at magaan sa pakiramdam. Dito rin niya natutunang kumanta. Habang nagpapadulas sakay sa kaniyang spaceship sinasabayan niya ng pagkanta ng jingle bells nang  paroot-parito rin sa chorus dahil yun lang ang kaniyang kabisado at kahit hindi pa pasko.

Hindi namalayan ni Mokong ang pagtawag ng kaniyang lola sa ibaba. Pasigaw. Highblood agad. ‘Yun para bang hindi pa man ay high pitch agad dahil alam na ng matanda na hindi siya agad pakikinggan ng apong si Mokong.

Ilang ulit pa siya nitong tinawag, kaya naman pumanhik na ito upang sugurin si Mokong.

Natigilan si Mokong sa pag-jingle bells nang maulinigan niya ang isang malakas na sigaw mula sa itaas ng nagyeyelong bundok. Dinig ito dahil tahimik ang kapaligiran.  Papalakas ang sigaw.  Sa sobrang lakas ay hindi niya ito maintindihan. Sa sobrang lakas ay nayayanig ang paligid, nabibitak ang yelo sa kaniyang paanan.

Samantala ang Lola ni Mokong na sa taba ay parang sumo wrestler, dahil sa hilig nito sa pagkain, ay nakatayo sa di kalayuan sa kinalalagyan niya. Nakuha nito ang pansin nang natigalgal na si Mokong.  Ngunit hindi ito ang may ari ng papalakas na tinig. Sigurado siya.

JpegKitang kita niya ang Lola sa kaliwang bahagi ng nagyeyelong ilog. Nag-aapoy ito sa galit sa kaniya habang sa taas ng bundok ay may nilalang na papalapit, ang may-ari ng sigaw.

Lalapit na nuon ang kaniyang Lola sa kaniya at alam niyang pipingutin siya nito.  Gusto niya itong pigilin hindi dahil sa akmang pamimingot nito, ngunit dahil sa nararamdamang takot sa paparating na nilalang na sumisigaw mula sa bundok. Gusto niyang iligtas ang matanda mula sa nararamdaman niyang panganib na dala ng nilalang mula sa nagyeyelong bundok.

Agad niyang itinulak ang kaniyang spaceship papunta sa matanda.  Ipinuwesto niya ito sa likod ng matanda, at mabilis na itinulak na ikinasadalak ng lola paupo rito. Lalo itong ikinagalit ng nagulat na matanda.  Akala niya ay pinagti-tripan siya ni Mokong, kawalang galang sa kaniya na siyang nag-aruga at kumopkop rito.

Mabilis itong itinulak papalayo ng batang si Mokong upang maiwasan ang nakakatakot na nilalang na paparating. Agad silang nakabalik sa kanilang bahay na parang gumamit ng time machine.

Ngunit mas mabilis ang nilalang sa kaniya.  Wala pa siyang power na speed. Kaya naman ilang iglap lang ay nasa harapan na nila ito at nakaharang, sumama sa kanilang bahay ang nilalang.

Bumalikwas sa pagkaksadlak sa maliit na spaceship ang lola ni Mokong na ngayon ay nagbalik na sa dating anyo kasama ng lahat. Hinarap siya nito. Kitang kita ang galit sa nanlilisik nitong mga mata. Bastos kang bata ka, walang modo, walang galang! Ang mga sumunod na nasabi nito ngunit ang ipinagtataka niya ay hindi nito nakikita ang nilalang na humarang sa kanila at nasa likod lang nito.

Kitang kita ni Mokong ang maitim na nilalang na nababalot ng puti at gulagulanit na coat na may hood.  Mabilis ito kumilos at sumapi sa kaniyang lola.  Nagbitiw ng malakas na tinig ang matanda, nakakabingi at hindi maintindihan.  Napatakip na lamang ng tenga ang batang si Mokong at nasadlak sa pinakikintab na sahig.  Kaya naman hindi na siya nakaiwas nang dakmain siya nito.

Gapiin ang kaaway. Nakilala na ni Mokong ang unang villain sa buhay niya bilang batang Mokong. Kakayanin kaya niya ang may-ari ng nakabibinging tinig? Paano niya ito gagapiin kung sa minamahal niyang lola ito sumapi? Abangan ang kasunod…

Advertisements

Ang mga musmos sa killer Hi-Way

Ang mga musmos sa killer Hi-Way

Photo by Harold of Colegio de San Juan de Letran - Calamba

Photo by Harold of Colegio de San Juan de Letran – Calamba

Isang dalagitang may dalang batang babae na sa tantiya ko ay nasa dalawang taong gulang ang pumanhik sa dyip na aking sinasakyan.  Hindi na nga bago ang eksenang ganito.  Ngunit may kakaiba sa dalawang ito na umagaw ng aking pansin.

Makailang beses na akong nakasakay ng dyip na pinapanhik ng ilang mga kabataang namamalimos. Pero kakaiba ang dalawang ito.

Binabagtas ng biyaheng Cubao ang Hi-way ng Commonwealth.  Pagtapat sa Commonwealth market ay mabilis ang naging kilos ng dalagita na agad sumakay sa nakahintong dyip na aking kinalalagyan habang nag-aabang ng iba pang pasahero.

Sa pananamit at itsura ng dalagita ay hindi siya mukhang pulubi. ‘Di ko sana siya mapapansin ngunit pabalibag niyang inilapag ang bit-bit na batang babae. YYun bang akala mo ay gamit na mabigat.

Naisip ko na marahil ay nawalan ng balanse ang dalagita kaya nabitawan niya ang bata.  Agad na napakapit naman ang maliit na bata sa hita ng lalaking nasa may kaliwa ko.

Nagtawanan pa sila ng babae niyang kasama na siguro ay asawa ng lalaki.  Dahil nakakatuwang panatag na panatag ang bata sa pagkakasiksik sa pagitan ng kaniyang dalawang hita.  Ika nga hindi nangingilala ang bata. Sanay na na makakita ng ibang mga tao.

Habang umaandar ang sasakyan ay isa-isa nang inilapag ng dalagita ang mga lamog nang sobre sa ibabaw ng mga hita ng bawat pasahero. Tila wala siyang pakialam kung matumba man ang musmos na kapatid.  Napatingin ako sa ekspresyon ng mukha ng dalagita.  Nakasimangot ito.  Samantalang ang maliit na bata ay libang na libang na naglalaro sa pagpapalipat-lipat sa mga hita ng pasahero.

Namamalimos nga ang dalagita.  At ginagamit pa ang kaniyang maliit na kapatid sa pamamalimos ang agad kong naisip.

Sa halip na maawa ay inis ang aking naramdaman.  Agad kong nasisi ang mga magulang ng dalawang bata.  Kung bakit kinailangan pang magkaganito ng dalawang musmos.

Nagbigay naman ng barya ang ilang pasaherong naawa.  Samantalang ilan din sa amin ang hindi nagpadala na sa tingin ko ay magpapamihasa kung magtatagumpay ang mga bata sa ganitong gimik ng pagpapaawa sa amin.

Nang matapos niyang kuhain ang mga sobre. Ay patulak na pinabababa ng dalagita ang bata. Nang matapat sa akin ay hinawakan ko ito sa braso dahil sa pag-aalalang malaglag dahil papahinto pa lamang ang dyip na aming sinasakyan.

Astang yamot ang dalagita sa kapatid.  Nang tuluyan nang huminto ang dyip ay pumanaog na ito at inambaan ng palo ang maliit na bata.  Pagkakarga nya rito ay binitawan ko na rin ang braso ng maliit na bata.

Ilang saglit pa ay mabilis na silang nakalayo patungo sa susunod na dyip na lilimusan.

Haka-haka ng isa sa may edad nang babaeng pasahero, “Kay bata pa kasi ay nag-anak na.” Ayon naman sa isa, “Baka naman napulot lang niya ang bata, halata kasi hindi siya nag-aalala.”

Hindi ko naisip ‘yon.  Pero marami nga ang posibilidad.  Ang naglalaro sa isip ko noon, ano kaya ang dapat kong ginawa? Hindi nanaman ako nakapag-isip nang mabilis na aksyon.  Huli na at malayo na ang dyip naming patuloy pa rin sa paglalakbay.

Note:

The photo was an entry to TFDP’s “Tinamaan ka ng Lente 2011 HR Photo Contest”
Students’ Category
Title: Mama, saglit lang…
Karapatan ng bawat bata ang makapag laro at makapag libang. Isang maliit at simpleng karapatan na kadalasa’y naipag kakait pa.
Photo by Harold of Colegio de San Juan de Letran – Calamba