Tag Archives: Stress

Kalma sa Mahal na Araw

Hindi ako “practicing Christian o Catholic” ngunit ngayong mahal na araw na ito ay sasamantalahin ko ang mahaba-habang bakasyon upang makapagmuni-muni.  Sa iba, panahon daw ito ng repleksiyon. Sa relihiyoso, linggo ito ng pagninilay. Para sa ‘kin panahon ito ng pananahimik at pag-iisip. Kalma.

Ika’tlong araw na ngang tanghali na kung gumigising. Halos pinagsasabay ang lunch at snacks sa hapon. Mag-aalas nuebe ng gabi kung maghapunan.  Mag-uumaga na kung matulog matapos ang panunuod ng dvds.

Bukod kasi sa pagpapakita itong may laya ang aking oras, dahil sa kahit kailan ko gustuhin o piliing magutom ay nagagawa ko, ay pagsasamantala ko ito sa pagkakataong iba sa pang-araw-araw na paghahabol sa oras, pagmamadali, pag-aalala atbp.

Hindi ang 12:00 ang magsasabing magtanghalian na ako- kailangang magtanghalian na ko. O kaya ang 1:30 na kailangang may tinatrabaho o dapat nang magtrabaho.

Kung ano ang bakasyon para sa king depinisyon?– ito ay ang kawalan ng pagmamadali, isang umaatikabong pagri-relax. Isang kalayaan sa tiktok ng orasan. Alisin mo ito ay anupa’t nagbakasyon ka.

Para sa ‘kin, kailangan ito ng lahat ng tao. Walang makapagsasabi na hindi nangangailangan ng pahinga.  Sa walong oras na pagtatrabaho sa isang araw na dapat ay apat lamang kung pagbabatayan ang isang makataong pagtrato sa mga manggagawa o empleyado.

Na dapat ay marami pa siyang magagawa sa iba pang mga oras bukod sa paghahanapbuhay. Dahil ang tao ay nangangailangan din ng mga aktibidad na kaniyang pinili para sa self improvement, development o pag-unlad at kasama dito ang pagkakaron ng sapat na pahinga.

Kung paanong ang mga bata ay dapat na may oras para maglaro at matulog upang lumaki agad ayon sa matatanda, ganun din naman tayong mga adult.

Kaya pag naumay sa panunuod ng TV, laro naman sa laptop at cellphone ang inaatupag o ‘di kaya ay ang pag-i-stalk sa mga fb ng mga taong kaaya-aya sa paningin. Ang sarap nang magagawa mo ang gusto mong gawin sa oras mo.

Para sa akin sa pamamagitan nito ay maiiwasan ang depresyon na kadalasan ay pinalala ng stress. Mga stress na dinudulot ng sobrang pagtatrabaho ngunit parang wala namang patutunguhan. Parang wala namang pag-unlad na naidudulot sa buhay. Na parang kahit anong sipag ang gawin mo ay matatagalan ka,mahihirapan, sa madalas ay mabibigo na makuha ang pangarap na buhay.

Bagamat hindi katulad ng regular na trabaho ang NGO work. Dito ay may relatibong kaluwagan, hindi ka pagagalawin ng sahod, ngunit ganun pa din, ginagamit ang 8 hour work bilang batayan ng propesyunalismo at regulasyon. Hindi negatibo, ngunit sa bandang huli ay makakaranas ka pa rin ng kapaguran, pagkabagot o pagkauyam at ika nga ng iba ay mas matinding stress. Ang pambalanse o bawi ng isang NGO work, nagagawa mo ang adbokasiyang gusto mo.

Naiugnay ko din ito sa pagpapakamatay ng isang kaibigan.  Sa ganitong kaso, walang ibang paliwanag akong naiisip at naririnig din naman sa iba, kun’di isang depresyon ang dahilan.  Kung paano at bakit mo kikitlin ang sariling buhay? Kung hindi dahil sa pagka-depress sa buhay at sa mga stress na hindi na kayanin ng isip at katawan.

Kung paniniwalaan ko ito ay lalong pinatitibay lamang ang basehan na dapat ay nabibigyan ng pagkakataon ang tao upang makapagpahinga sa gitna ng magulo, laging nagmamadali at nakakapagod na araw-araw na buhay.

Ang pagkapagod, sa ganang akin lamang ay hindi lang pisikal. Mas matindi ang pagod na hindi mo malalaman kung saan nagmumula. Pagod na gahibla ang pagitan sa pagkabagot, pagkaburyong.

Ika nga sa isang inspirational author, nagmumula ang pagkabalisa o kawalan ng pasensiya sa labis na paghahangad ng isang tao na makontrol ang mga bagay na mahihirapan siyang makontrol. Ang resulta ay pagkainis, pagkabagot o negatibong pakiramdam-pagkagalit.

At ang susi upang makalma ka ay ang pagpapaubaya. Ika pa nga ng marami ay “bahala na” mula sa salitang “Bathala Na” o Diyos na ang bahala.

Hindi sasang-ayon ang mga tulad nating naniniwala na dapat ang lahat ay planado.

Napag-isip-isip ko na dapat ay balansiyado. Magkatingbang. Planado o bahagi ng iyong plano na kung minsan mas magandang magpadala sa agos. Hindi man sa Diyos kung hindi ka naniniwala, ay sa ibang mga bagay, ikaw ang pipili, depende sa iyong gusto.

Hindi ko ugaling mag-drama o magpaka-senti, pero ito pala ang dahilan kung bakit nakakaakit sa ‘kin ang tabing dagat.  Maraming lakad na excited ako kapag ang venue ay malapit sa dagat. Bagamat hindi naman ako lalangoy kapag nanduon na, ngunit palagi ko itong gustong nakikita, natatanaw.

Dito ko din naisip na lahat ng pagkuha ng larawan at pag-upload sa social networking sites ng mga tao ay hindi simpleng pagyayabang. Ang pag-selfie ay patok dahil naibibigay nito ang maaring kalayaan sa  pagpapahayag ng pahingang kanilang nahihita mula sa mga senaryong masasaya, magaganda o kaya naman ay nakakuha ng kanilang interes na ibinabahagi sa iba na parang kuwento. Parang sa gagawin ko sa post na ito.

Jpeg

Jpeg

Jpeg

Cantilan, Surigao Del Sur

 

 

Jpeg

Jpeg

Ang problema, hindi ito pinahihintulutan ng Sistema. Walang oras ang mga manggagawa, magsasaka para tumigil sa paghahanapbuhay.  Dahil bukod sa wala na ngang sapat na perang inilalaan sa mga gastusin para mabuhay ay wala ring oras dahil malaking bahagi ng kanilang buong araw, lingo, buwan, taon ay inilalaan sa pagkilos para sa kakapiranggot na kita. Malaking luho ang pahinga.

Ang pahinga na aking tinutukoy ay lagpas pa sa mga leave na ibinibigay sa mga manggagawa. Lagpas sa pahingang pisikal. Ito ay ang pahinga ng pagkatao.  Ang pagpapahinga mula sa pagmamala-robot o makina na pagtrato. Ang pahinga na kung aking tatawagin ay Kalma.

Hindi pangmatagalan… dahil sa panahon ng kalma ay panahon ng pag-iisip at paghahanda sa muling pagharap sa mabilis, nagmamadali, kontroladong buhay ng isang tao.